Irerekomenda ng Department Agriculture (DA) kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ihinto muna ang importasyon ng bigas at itaas ang taripa sa imported rice para protektahan ang mga lokal na magsasaka.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Dave Gomez, tatalakayin ng gabinete ang “urgent matter” kay Pangulong Marcos sa sidelines ng kanyang state visit sa India simula ngayong araw hanggang August 8.

Wala pang detalye sa pagtaas ng taripa, at kung gaano kahaba ang suspension ng rice importation, dahil sa tatalakayin pa lamang ito ng gabinete.

Ipinanukala ng Philippine Council for Agriculture and Fisheries (Pcaf), ang advisory body ng DA ang pagbabalik ng 35-percent tariff sa imported rice para protektahan ang mga lokal na magsasaka kasabay ng pagbaba ng presyo ng aning palay sa bansa.

Ayon sa Pcaf, sa mataas na presyo ng imported rice, makakatulong ito upang gawing mas competitive ang produce ng mga lokal na magsasaka at makahikayat pa ng domestic production.

-- ADVERTISEMENT --

Matatandaan na nilagdaan ni Marcos ang Executive Order No. 62 noong June 2024 na nagpapababa sa taripa mula 35 percent sa 15 percent hanggang 2028 sa layuning mapababa ang presyo ng bigas.

Gayunpaman, ang kasalukuyang rate ay kailangan na isailalim sa pag-aaral kada apat na buwan.