Lumikha ang Department of Agriculture ng isang Food Security Task Force upang palakasin ang monitoring at pagtugon sa posibleng pagkaantala sa suplay ng pagkain, presyo, at kalakalan, habang sinisikap ng bansa na mapababa ang gastos sa gitna ng energy emergency at tensyon sa mga pangunahing export market.

Ayon kay Department of Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., layunin ng hakbang na palitan ang dating ad hoc monitoring system ng mas organisado at data-driven na paraan sa pagsubaybay sa mahahalagang bilihin.

Magsasagawa ang task force ng araw-araw na briefing tungkol sa sitwasyon ng pagkain sa bansa, at magsusumite ng ulat sa Kongreso at sa Office of the President upang makatulong sa paggawa ng mga polisiya.

Sa simula, ito ay mag-ooperate sa loob ng DA at tututok sa pagsasama-sama ng datos, pag-standardize ng ulat, at pagbibigay ng napapanahong impormasyon sa mga policymaker.

Kaugnay nito, naghahanda ang DA na magpatupad ng fuel subsidies para sa mga trucker upang maibsan ang tumataas na gastos sa transportasyon na labis na nakakaapekto sa mga vegetable farmer.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Tiu Laurel na dulot ito ng pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado at geopolitical tensions, na nagpapalaki sa gastos sa pagbiyahe ng ani mula sa mga highland farm patungo sa mga pamilihan.

Ayon sa mga magsasaka at trucker, doble hanggang triple na ang freight cost sa mga nakaraang buwan, lalo na sa biyahe mula Benguet papuntang Metro Manila.