Inatasan ng Department of Agriculture (DA) ang mga ahensya nito na agad magpaabot ng tulong sa mga magsasaka at mangingisdang apektado ng pananalasa ng Bagyong Crising at Habagat.
Ayon sa inisyal na ulat, umabot sa P53 milyon ang pinsala sa agrikultura sa mga rehiyon ng Western Visayas (Region VI) at MIMAROPA (Region IV-B).
Tinamaan ng pagbaha at malalakas na ulan ang higit 2,099 na magsasaka na may tinatayang 2,400 ektaryang sakahan.
Apektado ang mga pananim tulad ng palay, mais, at iba pang high-value crops, pati na rin ang mga alagang hayop sa mga poultry at livestock farms.
Iniulat din ng National Food Authority (NFA) na ilang pasilidad sa Mindoro ang nasalanta ng pagbaha.
Sa Palawan, naipamahagi na ang 500 sako ng bigas sa mga lokal na pamahalaan bilang bahagi ng agarang ayuda.
Ayon kay Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) president Jovy Bernabe, agad na magsasagawa ng assessment ang kanilang tanggapan upang simulan ang proseso ng insurance claims ng mga sakop na magsasaka.
Inatasan na rin ang mga tauhan ng PCIC na magbigay ng buong suporta at mabilis na aksyon sa mga nangangailangan ng tulong.