TUGUEGARAO CITY- Ipinarating na ni Agriculture Secretary William Dar ang kanyang pakikidalamhati sa 19 na namatay sa pagkahulog ng elf truck sa Conner, Apayao.
Ang mensahe ni Dar ay sa pamamagitan ng Department of Agriculture Region 2.
Kaugnay nito, sinabi Dar na nagbigay na sila ng tig-P15,000 at isang sakong bigas sa pamilya ng mga namatay bilang paunang financial assistance.
Ang nasabing halaga ay pinagsamang tulong mula sa provincial government ng Cagayan, DSWD at DA.
Nakatanggap din ng tig-P15,000 ang 21 na nasugatan sa insidente.
Una rito, mismong si Narciso Edillo, executive director ng DA Region 2 ang nagbigay ng tig-P5,000 sa mga nasugatan sa na naka-confine sa CVMC sa Tuguegarao.
Binisita rin ni Edillo ang mga sugatan na nasa ospital sa Conner, Apayao.
Ang mga biktima ay galing ng Lattut, Rizal, Cagayan at kinuha ang libreng rice seeds na mula sa pamahalaan.
Kaugnay nito, sinabi ni Edillo na ang libreng rice seeds na kinuha ng mga sakay ng elf sa munisipyo ng Rizal, Cagayan ay mula sa Rice Tarrification Fund.