TUGUEGARAO CITY-Tumaas ang naitalang mga bagong tinamaan ng COVID-19 sa mga empleyado ng Department of Agriculture (DA) Region 2 ngayong buwan ng Agosto ng kasalukuyang taon.
Batay sa pinakahuling datos ng kagawaran, sinabi ni DA Regional Director Narciso Edillio na mayroong 42 aktibong kaso o nagpapagaling pa ng sakit na mula sa kanilang mga opisina, kabilang ang pitong research station ng DA sa rehiyon.
Dahil dito, umakyat na sa 155 ang kumpirmadong kaso o tinamaan ng COVID-19 sa kanilang hanay mula nang magsimula ang pandemya kung saan 113 na ang total recoveries.
Karamihan naman sa naitalang aktibong kaso ay mga empleyadong nasa fields dahil sa implementasyon ng mga programa at proyekto ng kagawaran.
Tiniyak naman ni Edillio na patuloy ang kanilang ibinibigay na tulong sa mga empleyadong naka-quarantine sa kanilang designated area na matatagpuan sa Iguig at Maguirig, Solana, habang ang ilan ay nasa kani-kanilang mga LGUs.
Kasabay nito sinabi ni Edillio na simula noong nakaraang Linggo ay ipinatutupad na ang 50% workforce/work arrangement sa mga opisina sa ilalim ng DA-RO2.
Hindi naman aniya nito maaapektuhan ang operasyon ng kagawaran