photo credit: DA region 2

TUGUEGARAO CITY-Namahagi ng sentinel pigs ang Department of Agriculture (DA)-Region 2 sa mga magbababoy na unang naapektuhan ng African Swine Fever sa probinsya ng Nueva Vizcaya at Quirino.

Ayon kay Roberto Busania ng DA region 2, ito’y bahagi ng paunang hakbang ng ahensya sa repopulation ng mga baboy sa rehiyon.

Aniya, nasa 63 na sentinel pigs ang binigay sa pitong bayan ng Nueva Vizcaya at 70 naman sa apat na munisipyo sa Quirino.

Sinabi ni Busania na mas marami ang bilang na ibinigay sa Quirino dahil mas maraming magbababoy ang apektado at mas maraming alagang baboy ang isinailalim sa culling.

Kaugnay nito, sinabi ni Busania na makalipas ang 40 araw mula nang maibahagi ang sentinel pigs ay muling babalikan ng kanilang grupo ang mga nakatanggap nito para kuhanan ng dugo ang mga biik at tiyakin na negatibo na ang mga ito sa ASF.

-- ADVERTISEMENT --

Kung sakali na magnegatibo sa virus, muling magbibigay ang ahensiya ng tig-tatlong biik at 12 sako ng feeds sa mga magbababoy bilang panimula ng mga magbababoy kanilang negosyo kung saan maari nilang ibenta ang tatlo sa mga ito paglaki habang ang isa ay gagawin nilang inain.

Pero kapag magpositibo sa ASF ang mga binigay na sentinel pigs ay muling babalik ang ahensya sa kanilang unang hakbang kung saan sasailalim sa 90 day environmental swabbing at mahigpit na paglilinis hanggang sa magnegatibo ang kapaligiran sa ASF.

Tiniyak naman ni Busania na may pondo para sa pamamahagi ng sentinel pigs na umaabot sa P21M sa unang batch habang sa pangalawa ay umaabot sa P75M.

Sa ngayon, tanging ang bayan ng Sanchez Mira ang bagong nakitaan ng ASF kung saan ilang baboy din ang isinasailalim sa culling habang sa ibang probinsya tulad ng Isabela, Quirino at Nueva Vizcaya ay unti-unti nang bumaba ang naitatalang kaso ng ASF.

Samantala, hindi na umano mamimigay ng tulong pinansyal ang ahensya sa mga magbababoy na maapektuhan ng ASF simula ngayong araw, July 1,2021 dahil paubos na ang kanilang imdemnification fund kung kaya’t inabisuhan ang mga magbababoy na makipag-ugnayan sa Philippine Crop Insurance Corporation para sa insurance ng kanilang alagang baboy.