TUGUEGARAO CITY-Pansamantalang isasara ang tanggapan ng Department Of Agriculture (DA)-region 02 simula ngayong araw ng Lunes hangang Biyernes, Oktubre 16,2020 matapos magpositibo sa virus ang tatlo nilang empleyado.
Ayon kay Narciso Edillo, Regional Director ng DA-R02, magsasagawa ang kanilang tanggapan ng dis-infection para matiyak ang kaligtasan ng iba pang empleyado laban sa covid-19.
Siniguro naman ni Edillo na hindi mapaparalisado ang mga programa lalo na ang pagbibigay ng tulong sa mga magsasaka dahil naka-work from home naman ang iba nilang kawani.
Samantala, sinabi ni edillo na unang nagpositibo sa virus ang kanilang driver na posibleng nahawaan sa kanyang kapatid na galing sa ibang bansa.
Nakasalamuha umano nito ang walong kawani na nagsagawa ng field work sa bayan ng Aparri.
Dahil dito, agad na isinailalim sa swab test ang walong empleyado kung saan dalawa sa kanila ang positibo sa nakakahawang virus.
Sa ngayon, nasa quarantine facility ng DA-R02 ang dalawang positibo sa covid-19 habang nilagay din sa ibang building ang anim pang kawani para tapusin ang kanilang 14-day quarantine.
Bukod dito, nakatakda ring isailalim sa rapid test ang nasa 20 kawani na mula sa engineering division para matiyak na hindi sila nahawaan ng naturang virus.