TUGUEGARAO CITY-Inumpisahan na ng Department of Agriculture (DA)-region 02 ang pamamahagi ng libreng abono dito sa probinsiya ng Cagayan bilang tulong sa mga magsasaka.
Ayon kay Ruberto Busania ng DA-region 2, ang naturang ayuda ay sa pamamagitan ng rice resiliency project sa ilalim ng “Ahon Lahat, Pagkaing Sapat (ALPAS) Kontra sa COVID-19 ” kung saan una na silang namigay sa mga kwalipikadong magsasaka sa bayan Tuao.
Aniya, nasa 1,600 na bags ng abono ang ipinamahagi sa barangay Mungo, Centro 2, Cagumitan, San luis, Lallayug, Mambacag, Naruangan,Bulagao at Villa Laida.
Sinabi ni Busania na ang fertilizer assistance ay para sa mga magsasaka na unang nakatanggap ng binhi mula sa DA.
Kasunod nito, target ng ahensiya ngayong buwan ng Setyembre na mabigyan ng abono ang mga magsasaka sa bayan ng Amulung, Iguig at enrile .
Bukod dito,inumpisahan na rin ng DA ang pagbibigay ng kahalintulad na tulong sa mga magsasaka sa bayan ng Sta Fe sa probinsiya ng Nueva vizcaya.
Labis naman ang pasasalamat ng mga magsasaka na naabutan ng tulong dahil malaking bagay ito para sa kanila lalo na ngayong panahon ng pandemya.