photo credit: DA-R02

TUGUEGARAO CITY-Target ng Department of Agriculture (DA) Region 02 na magkaroon ng vegetable garden ang bawat pamilya sa rehiyon lalo na ngayong panahon ng krisis na dulot ng covid-19.

Ayon kay Roberto Busania ng DA-Region 2, tuloy-tuloy ang gagawing pamamahagi ng vegetable seeds at seedlings ng ahensiya sa bawat munisipalidad maging sa mga lungsod.

Aniya, hindi titigil ang DA sa pamamahagi nito upang masiguro ang sapat na pagkain at mabigyan din ng supply ang ibang lugar na may kakulangan nito tulad sa kalakhang Maynila.

Sinabi ni Busania na ang Local Government Unit (LGUs) na ang bahalang magbibigay sa mga naturang seedlings dahil sila ang nakakaalam kung anong barangay pa ang hindi nakakatanggap nito.

Kaugnay nito, nasa 118,289 packs ng vegetable seeds at seedlings ang naipamahagi na ng DA sa rehiyon.

-- ADVERTISEMENT --

Bukod dito, patuloy din ang pamamahagi ng mga alagang hayop ang ahensiya lalo na ang mga magsasakang naapektuhan ng tagtuyot.

Umaasa naman si Busania na ipapakita rin ng publiko ang kanilang suporta sa pamamagitan ng pag-aalaga sa mga naibigay na alagang hayop maging ang mga seedlings para mapagtagumpayan ang adhikain na magkaroon ng self sufficiency sa usapin sa pagkain.