Pinulong ni Regional Executive Director Rose Mary Aquino ng Department of Agriculture Regional Field Unit 2 (DA-RFU 2) ang iba’t-ibang mga agricultural workers sa rehiyon upang paghandaan ang mga posibleng mga pinsala na idudulot ng El Niño ngayong summer.

Ayon kay Aquino, kung wala pang mararanasang ulan sa loob ng tatlo hanggang limang araw mula ngayon ay maaaring makapagtala ang rehiyon ng mataas na pinsala sa mga palay, mais at high value crops na nasa vegetative, reproductive at maturity stage.

Sa ngayon ay inihahanda na ng DA ang mga naipamahaging 1,567 units na water pumps mula 2018 at sinabihan na rin ang mga farmer cooperatives na siyang may hawak ng mga ito upang magamit sa mga lugar na may open source ng tubig.

Inihahanda na rin ang nasa 10 solar power irrigation system kung saan walo ang naibigay sa Cagayan, walo sa Isabela, isa sa Nueva Vizcaya at dalawa sa Quirino upang magamit sa patubig.

Bagamat walang pondo ang DA RFU 2 para sa cloud seeding ay tinitingnan din ang posibilidad na maisagawa ito sa pamamagitan ng Bureau of Soils and Water Management (BSWM) subalit ito ay tatagal sa 30 minuto lamang.

-- ADVERTISEMENT --

Hinikayat ni Aquino ang mga local government unit na kung sakaling posible ang cloud seeding ay kumuha muna sila ng clearance sa DA.

Ito ay dahil sa mga pananim na mangga na kasalukuyang namumulaklak na maaring maapektuhan kapag nagsagawa ng cloud seeding.

Inatasan ni Aquino ang lahat ng mga provincial agriculturist na maghanda ng kanilang mga validated report lalo na’t kakailanganin ito sa pagdedeklara ng state of calamity kung sakaling lalala ang tagtuyot sa rehiyon.

Sa iprinisintang datos ng DA, (as of February 28, 2026), nasa 1,280 hectares na palay ang mga bagong tanim; 58,319 hectares naman ang nasa vegetative stage at 184,007 ang nasa reproductive stage samantalang 65,288 hectares ang nasa stage of maturity.

Sa mais naman ay aabot sa 900.4 hectares and kakatanim; 82,289 hectares ang nasa vegetative stage; 93,300 hectares ang nasa reproductive stage samantalang 58,028 hectares ang nasa maturity stage.
Samantala, nasa 67,178 hectares naman ang mga natamnan ng high value commercial crops.