TUGUEGARAO CITY- Bumuo na ng task force ang Department of Agriculture Region 2 kasama ang iba pang ahensiya ng pamahalaan at pribadong sektor partikular ang mga hog raisers laban sa African swine fever.
Sinabi ni Roberto Busania, technical director for operations and extensions ng DA Region 2, na ang tungkulin ng task force ay information education campaign para matiyak na walang makakapitan ng nasabing sakit sa mga alagang baboy sa rehion.
Bukod dito, sinabi niya na ipinapaalam din kung ano ang mga posibleng simtomas ng ASF.
Gayonman, nilinaw ni Busania na sa buong bansa ay wala pa namang ASF bagamat may ilang mga baboy na na nangamatay sa ilang lugar sa bansa.
Ayon sa kanya, hindi pa dumating ang resulta ng sample ng mga baboy na namatay na ipinadala sa Spain para sa pagsusuri upang malaman kung ano ang ikinamatay ng mga ito.
Dahil dito, sinabi ni Busania na kailangan na maging maingat ang mga hog raisers sa kanilang pag-aalaga ng baboy upang matiyak na hindi sila magkakasakit.
Ayon sa kanya, dapat na laging malinis ang kinakain ng mga ito, malinis din ang kanilang iniinom at maging ang kanilang mga kulungan.
Subalit sinabi niya na kung may mga baboy na namamatay ng halos sabay-sabay sa loob ng 10 araw ay kailangan na itong ipaalam sa mga kinauukulan para sa kaukulang hakbang at malaman ang kanilang naging sakit.