Kinumpirma ng Department of Agriculture (DA) Region 2 na mayroong kaso ng anthrax sa bayan ng Sto. Niño, Cagayan matapos mamatay ang apat na kalabaw.
Ayon kay Rosemary Aquino, regional executive director ng DA Cagayan Valley, unang nagpakita ng sintomas ang mga kalabaw noong September 21, 2024 ngunit hindi ito kaagad nai-report ng mga magsasaka dahil inisip nilang ito ay simpleng sakit lamang.
Ang anthrax ay dulot ng bacteria na maaaring mabuhay sa lupa kung saan kabilang sa mga senyales na nakita sa mga kalabaw ay ang pagkakaroon ng lesions sa balat at ang biglaang pagkamatay ng mga ito ay maaaring indikasyon ng anthrax.
Nilinaw ni Aquino na bago pa man ang insidente ay naabisuhan na ang mga magsasaka na agad na ilibing ang mga namatay na kalabaw upang maiwasan ang pagkalat ng impeksyon subalit dahil sa panghihinayang, kinatay ng mga ito ang mga alaga.
Dahil sa alarming na sitwasyon, nagsagawa ng pagpupulong ang DA kasama ang Epidemiology Unit ng Department of Health (DOH) kung saan napag-usapan ang pagbibigay ng bakuna sa mga alagang kalabaw na anim na buwan pataas.
Ayon kay Aquino, layunin ng nasabing bakuna na mapanatili ang kalusugan ng mga hayop, ngunit epektibo lamang ito sa loob ng isang taon, kaya’t kinakailangan ang taunang pagbabakuna.
Sa kasalukuyan, ipinatutupad na ang mga restriksyon sa paglabas ng mga karne ng kalabaw upang maiwasan ang pagkalat ng sakit.
Nanawagan naman si Aquino sa mga residente ng Sto. Niño na agad na i-report at i-offer ang kanilang mga alagang kalabaw na anim na buwan pataas sa darating na bakunahan upang mapigilan ang impeksyon at pagkalat ng anthrax.