TUGUEGARAO CITY-Nakatakdang magbigay ang Department of Agriculture ng binhi bilang tulong sa mga magsasaka na naapektuhan ng Rice Tarrification law sa pakikipagtulungan na rin ng Municipal Agriculture Office.

Ayon kay Randy Magno, Municipal Agriculture Officer ng Solana, nasa 4,325 bags na hybrid seeds ang kanilang ibabahagi sa mga magsasaka.

Bukod dito, mabibigyan din ang solana ng 3,558 bags ng inbred seeds mula sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) ng PhilRice na ibabahagi sa mga hindi mabibigyan ng hybrid seeds.

Ngunit, sinabi ni Magno na batay sa napag-usapan sa kanilang pagpupulong kasama ang mga opisyales ng PhilRice, may mga guidelines na dapat sundin sa pagbabahagi ng inbred seeds.

Aniya, kailangan ang mga mabibigyan ay miembro ng isang kooperatiba.

-- ADVERTISEMENT --

Dahil dito, sinabi ni Magno na iisa lamang ang existing farmers cooperative sa isang brgy.kaya hindi lahat ng mga magsasaka sa lugar ay makakatanggap ng binhi dahil hindi lahat ng mga magsasaka ay miembro ng kooperatiba.

Sinabi ni Magno na kung wala sana ang nasabing guidelines ay lahat ng mga magsasaka sa bayan ng Solana ay makakatanggap ng binhi.

Umaabot sa mahigit pitong libo ang kabuuang bilang ng mga magsasaka sa nasabing bayan kung kaya’t kung pagsasamahin ang bilang ng hybrid at inbred seeds ay mabibigyan sana ang lahat ng mga magsasaka.

Kaugnay nito, susubukan pa rin umanong aayusin ng kanilang tanggapan ang nasabing problema para lahat ng mga magsasaka ay makakatanggap ng binhi.

Tinig ni Randy Magno

Samantala,inanyayahan naman ni Father Gary Agcaoili, Parish Priest ng Solana, ang mga magsasaka mula sa iba’t-ibang bayan sa lalawigan na makiisa sa kanilang gagawing pagpupulong kasama ang iba’t-ibang organisasyon sa Setyembre 21.

Ayon kay Fr. Agcaoili, pag-uusapan ang naturang problema at titignan kung ano ang maaring solusyon para idulog sa mga kinauukulan.