TUGUEGARAO CITY-Naglatag ng checkpoint ang Department of Agriculture (DA)-Region 2 para mapigilan ang pagpasok ng baboy at pork products mula sa mga lugar na apektado ng African Swine Fever (ASF).

Ayon kay Regional Director Narciso Edillo ng DA-Region 2, layon nitong masiguro na walang makakapasok na mga alagang baboy at karne nito na kontamido ng ASF sa rehiyon.

Una rito, nasa 3,000 na alagang baboy ang inilibing sa Don Marcelino, Davao Occidental na apektado ng ASF para maiwasan ang pagkalat nito.

Aniya, naglatag ang kanilang ahensiya ng tatlong checkpoint sa entry point sa Santa Fe, Nueva Vizcaya maging sa mga secondary point sa Tabuk City, Kalinga , sa bayan ng Solana, Santa Praxedes at Enrile sa probinsiya ng Cagayan at maging sa Quirino.

Bukod dito, nakipag-ugnayan na rin umano ang DA-Region 2 sa mga gobernador ng rehiyon para mahigpit na mabantayan ang mga inilatag na checkpoint.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Edillo na bagamat walang masamang epekto sa kalusugan ng tao ang ASF, kailangan pa rin itong bantayan dahil sa magiging epekto nito sa hog industry.