Tinututukan ngayon ng Department of Agriculture (DA) Region 2 ang pagtulong sa marketing ng mga magsasaka ng pinya sa lambak ng Cagayan matapos magkaroon ng oversupply ng mga produkto dahil sa sabay-sabay na harvesting season.

Ayon kay Narciso Edillo, Director ng ahensya, maganda ngayon ang produksyon ng pinya hindi lamang sa lambak ng Cagayan kundi maging sa iba pang mga lalawigan tulad ng Calabarzon at sa Quezon province.

Dahil dito ay mas pinipili aniya ng maraming institutional buyers sa Metro Manila na bumili ng pinya sa mga lugar na malapit sa kanila kayat sa ngayon ay nahihirapan din ang mga magsasaka ng pinya sa lambak ng Cagayan na humanap ng mga buyers.

Kaugnay nito, sinabi ni Edillo na mismong ang DA Region 2 na ngayon ang tumutulong sa mga asosasyon ng mga magsasaka ng pinya na makahanap ng mga buyers sa probinsya sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga kumpanya at local corporations na nagpoproseso ng mga produktong pinya upang hindi ito masayang.

Bukod dito ay nagpapahiram din aniya ang ahensya ng mga kadiwa trucks sa mga miyembro ng pineapple association upang may magamit sila sa pagluluwas ng mga aning pinya patungo sa mercado kung saan sila dapat na magtinda.

-- ADVERTISEMENT --

Hinimok naman ni Edillo ang mga LGUs na nakakasakop sa mga magsasakang nagtatanim ng pinya na tulungan din sila upang makagawa ng mga hakbang at programang makatutugon sa pangangailangan ng mga magsasaka ng pinya at ng maiwasan ang pagkasayang ng mga produkto dahil sa sobra-sobrang supply.

Gayonman, tiniyak niya na bagamat marami ngayon ang aning pinya sa rehiyon ay hindi pa naman apektado ang presyuhan ng mga ito dahil sa kasalukuyan ay mas mataas naman ang bentahan ng pinya mula sa P11- P12 per piece na production cost ng mga magsasaka.

Sa katunayan aniya ay may mga lokal na kooperatiba ang lumalapit at bumibili ng wholesale sa mga pineapple associations sa rehiyon at nitong nakalipas na araw ay umabot sa mahigit 90,000 kilos ng pinya ang naibenta ng mga magsasaka.

Malaking bagay aniya ito na maiwasan ang pagkalugi at pagkasira ng mga produkto habang inihayag ng director na tinutulungan din nila ngayon ang isang asosasyon sa Echague matapos na mag-loan para sa kanilang processing facility sa paggawa ng pineapple jam at candy.