Target ng Department of Agriculture na makapagsagawa ng hanggang 75 sorties ng cloud seeding sa ilang lugar sa Region 2 para makalikha ng artificial rains bunsod ng epekto ng El Niño sa mga pananim.
Ayon kay Regional Agricultural Engineering Division Assistant Head Engr. Daisy Saldo ng DA-RO2, magtatagal ng tatlong buwan ang pagpapalipad ng eroplano ng Philippine Air Force na magsasabog ng asin sa mga seedable clouds o mga ulap na nagdadala ng ulan sa pangunguna ng Bureau of Soils and Water Management na sinimulan noong Feb 25.
Pangunahing target sa cloud seeding ang 900, 000 ektarya ng pananim na mais na nasa vegetative at reproductive stage na sa bahagi ng Southern Cagayan, Northern Isabela at Nagtipunan, Quirino.
Sinabi ni Saldo na nakapagsagawa na ng tatlong sorties na cloud seeding sa Cagayan at Isabela hanggang kahapon na aniyay naging epektibo matapos maranasan ang light to moderate rains sa mga seeded area, kasama na ang magandang epekto nito upang mapalamig ang kapaligiran.
Habang hindi pa ito nasisimulan sa lalawigan ng Quirino dahil sa kawalan ng seedable clouds na isa sa mga proseso na kailangang ikonsidera para magtagumpay ang cloud seeding.
Nagkakahalaga naman ng P74-K ang bawat sortie o paglipad ng eroplano para sa cloud seeding gamit ang vaccum pack salt bilang condensation nuclei na paraan upang bumigat ang kaulapan para magdulot ng pag-ulan.