TUGUEGARAO CITY- Patuloy ang pangangalap ng tulong ng Police Regional Office No. 2 para sa mga naapektuhan ng bagyong Odette sa Visayas at Mindanao.

Sinabi ni PCol. Efren Fernandez, information office ng PRO 2 na una na silang nakapagpadala ng nasa 3, 000 na relief goods na nagkakahalaga ng nasa P250,000.

Ayon kay Fernandez ang mga nasabing tulong ay nalikom mula sa Provincial PNP stations sa rehion at sa ngayon ay hinihintay pa ang mula naman sa Batanes.

Sinabi ng opisyal na dinala ang tulong sa Tarlac sakay ng truck.

Ayon sa opisyal, inatasan sila ni PBGen. Steve Ludan, director ng PNP Region 2 na ibigay ng bawat pulis sa rehion ang kanilang isang araw na subsistence allowance upang ibigay na tulong sa mga sinalanta ng bagyo.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Fernandez na ito ay bilang pagbabalik din ng tulong na ibinigay ng Visayas at Mindanao sa rehion sa mga naapektuhan ng bagyong Lawin at Ulysses.

Samantala, sinabi naman ni PMAJ Nelinda Maramag, tagapagsalita ng PNP Cagayan, nagtulong tulong ang 29 police stations sa probinsya katuwang ang Mobile Force Company at Provincial Office upang makalikom ng mga noodles, bigas, bottled water, kape, biscuits at iba pa.

Dagdag pa rito ay nagbigay ng tig-P150 ang nasa 2,321 police personnel ng PNP Cagayan bilang dagdag na tulong sa mga labis na naapektohan ng kalamidad.

Nakipag-ugnayan na rin aniya sila sa grupo ng Kabataan Kontra Droga at Terorismo para sa paglikom ng karagdagan pang mga tulong.

Maaari ring makipag-ugnayan sa tanggapan ng PNP Cagayan ang iba pang indibidwal na nais ding makapagpadala ng tulong.

Nagsama-sama naman ang mga Regional Offices ng Department of Agriculture (DA) sa Northern Luzon para makalikom ng pondo bilang relief assistance sa mga pamilyang biktima ng super typhoon Odette.

Sinabi ni DA-Regional Office No. 02 Director Narciso Edillio, bawat Regional Offices ay may inilunsad na fund drive upang makalikom ng cash na ipapadala sa Region 13 na lubhang nasalanta ng bagyo.

Ang fund drive ay boluntaryo para sa mga kawani ng ahensya kung saan target sa Region 2 na makalikom ng P100,000 cash donation o higit pa.

Bukod pa dito, sinabi ni Edillio na ibabalik rin ng ahensya ang naiwang pondo ng kooperatiba mula sa mga donasyon na natanggap nang manalasa ang bagyong Ulysess sa Cagayan.

Ang naturang cash donation ay ipadadala sa kooperatiba ng DA na ilalaan bilang dagdag tulong para sa pangunahing pangangailangan ng mga biktima tulad ng pagkain, tubig at tolda.