Nabigyan ng animnapung kambing sa ilalim ng Livestock Program ng Department of Agriculture (DA) ang ilang magsasaka na miyembro ng asosasyon sa bayan ng Sto Niño, Cagayan.
Ang naturang programa ay isang “livelihood mitigation” na hatid ng DA Region 2 ngayong pandemya kung saan kinakailangan ang pagkakaroon ng pagkukunan ng pangkabuhayan o pagkakakitaan bukod sa pagsasaka.
Ayon kay Demetrio Gumiran, regional livestock program coordinator, nasa 32 na magsasaka mula sa Integrated Farmers Association ang tumanggap ng mga aalagaing kambing.
Nilinaw ni Gumiran na ang mga benepisaryo ay naunang isinailalim sa pagsasanay kaugnay sa pag-aalaga ng hayop.
Asahan din aniya ang pamamahagi ng kahalintulad na livelihood sa iba pang miyembro ng asosasyon upang makatulong sa kanilang pangkabuhayan ngayong pandemya.