TUGUEGARAO CITY-Uumpisahan na ng Department of Agriculture (DA)-Region 2 ang pagtatanim ng strawberry sa Rehiyon sa buwan ng Enero sa susunod na taon.

Ayon kay Rose mary Aquino ng DA-region 2, ito ay matapos lumabas sa pag-aaral ni Edilwina Valdez ng Southern Cagayan Research Center na maaari nang magtanim ng strawberry sa mainit na lugar tulad ng rehiyon.

Unang nakatanggap ng silver award ang ginawang pagsasaliksik ni valdez na may pinamagatang “ Development of Package of Technology for Low Land strawberry production” sa katatapos lamang na national research symposium.

Paliwang ni Aquino, batay sa pag-aaral ay mainam na magtanim ng nasabing prutas kapag buwan ng Enero hanggang buwan ng Marso dahil hindi pa ito gaanong mainit.

Aniya, uumpisahan ng kanilang ahensiya ang pagtatanim sa bayan ng Iguig kung saan ito ang kanilang pilot area at ipapakita sa mga magsasaka.

-- ADVERTISEMENT --

Isang magandang hakbang rin aniya ang pagtatanim ng strawberry para sa mga magsasaka dahil ito ay karagdagan sa kanilang kita lalo na ngayong bagsak presyo ang kanilang mga aning palay na kanilang pangunahing pinagkakakitaan.

Sinabi ni Aquino na batay pa rin sa ginagawang pag-aaral ng kanilang team ay maaaring kumita ng P50,000 hanggang P70,000 sa 1000 square meters sa pagtatanim ng strawberry.