Nanawagan ang Department of Agriculture Region II sa lahat ng mga Local Government Units na payagang makadaan sa mga Barangay checkpoint ang lahat ng uri ng produktong agrikultural at support services nito.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni DA Executive Director Narciso Edillo, na sa ilalim ng guidelines sa pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine sa buong Luzon ay malayang makakabiyahe ang mga sasakyan na nagdadala ng mga produktong pang-agrikultura, kabilang ang mga produktong nasa manufacturing industry at nasa food chain.
Ayon kay Edillio, iba-iba ang interpretasyon ng mga Barangay officials sa mga polisiya sa checkpoint dahil tanging pagkain ng tao lamang ang kanilang pinalulusot sa mga unilatag na barangay checkpoint, batay sa mga reklamong kanyang natatanggap.
Paliwanag ng opisyal, bukod sa pagkain ng mga tao, pinapayagan din na makalusot sa COVID-19 checkpoint ang mga Produktong kabilang sa food chain tulad ng pagkain ng mga alagang hayop na feeds.
Hindi rin dapat harangin ang mga raw materials sa paggawa ng produkto at farm inputs na kinakailangan sa pagtatanim hanggang sa marketing.
Kasabay nito, nakikiusap si Edillio sa mga namumuno sa mga Barangay checkpoints na palusutin ang mga ito bastat kumpleto ang dokumento upang matiyak ang patuloy na operasyon at suplay ng mga pagkain.