Plano ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na tanggalin ang brand labels sa imported rice sa layunin na malabanan ang price manipulation sa bigas.

Sinabi ni Laurel na matapos ang pagsasagawa ng serye ng pagbisita sa mga palengke, naniniwala siya na may ilang retailers at traders ang sinasadya na lituhin ang mga mamimili sa branded imports upang bigyang katuwiran ang mataas na presyo.

Plano rin ni Laurel na tanggalin ang labels tulad ng “premium” at “special” sa imported rice, dahil ginagamit ang labeling para itaas ang presyo ng bigas.

Sa kabila nito, sinabi ni Laurel na hindi kasama sa plano ang locally-produced na bigas upang protektahan ang mga magsasaka at traders.

Binigyang-diin ni Laurel na ang pag-angkat ng bigas ay hindi isang karapatan sa halip ay prebelihiyo.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi niya na kung hindi susunod ang mga traders sa mga regulasyon, pipigilin nila ang mga permits para sa rice importation.

Ayon kay Laurel, batay sa nakalap nilang datos mula sa retailers, traders, at importers, ang dagdag na P6 hanggang P8 per kilo mula sa landed cost ng imported rice ay sapat para kumita at maipagpatuloy ang operasyon ng lahat ng partido na kabilang sa supply chain.

Inihalimbawa ni Laurel na kung ang bigas na nabili sa Vietnam sa P40 per kilo, ang consumer price ay hindi dapat lalagpas sa P48 per kilo.

Sinabi niya na ikinokonsidera ng DA ang maraming hakbang upang tugunan ang rice price volatility, kabilang ang pagpapatupad ng food security emergency sa ilalim ng amended Rice Tariffication Law, na nagpapahintulot sa paglalabas ng buffer stocks mula sa National Food Authority (NFA) para gawing matatag ang presyo ng bigas.

Pinag-aaralan na rin ang pagpapahintulot sa government organizations tulad ng Food Terminal Inc., para mag-import ng sapat na bigas upang makipagkompetensiya sa private importers, at inatasan ang DA legal department na pag-aralan ang mga probisyon ng Consumer Price Act laban sa mga nagsasagawa ng profiteering.