
Sinuspinde ng Department of Agriculture (DA) ang pagtanggap at pagproseso ng Land Use Reclassification Certification hanggang Hunyo 2026, ayon sa circular na nilagdaan noong Enero 5.
Ayon sa DA, ipagpapatuloy pa rin ang pagproseso ng mga aplikasyon na naisumite bago ang moratorium, ngunit pansamantalang ihihinto ang mga apela hanggang sa ito ay alisin.
Layunin ng hakbang na bigyan ng panahon ang ahensya na suriin at higpitan ang regulasyon sa gitna ng dumaraming conversion ng lupang sakahan dulot ng urban expansion at infrastructure projects.
Binigyang-diin ng DA na ang patuloy na pagkawala ng produktibong lupain ay maaaring makaapekto sa kakayahan ng bansa na magprodyus ng pangunahing pagkain tulad ng bigas at mais, at magpahina sa food self-sufficiency.
Matagal nang nananawagan ang mga grupo ng magsasaka ng mas mahigpit na proteksyon sa mga lupang agrikultural, kabilang ang mga panukalang batas sa Kongreso na naglalayong limitahan ang land conversion.
Kasama rito ang House Bill 5762 na inihain ni ML Party-list Rep. Leila de Lima at katulad na panukala ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan sa Senado.










