Target ng Department of Agriculture (DA) na mapababa sa maximum suggested retail price (MSRP) ang imported rice sa P49 per kilo sa buwan ng Marso, kung magkakaroon ng paborableng pricing conditions.
Kasabay nito, sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. sa kanyang isinagawang inspeksiyon sa isang palengke sa Pasay City na gagawing P55 per kilo ang MSRP ng imported rice sa February 1, at sa Feb. 15 ay magiging P52, at umaasa siya na sa March 1 ay magiging P49 per kilo na.
Nilinaw ni Tiu Laurel na walang intensiyon ang pamahalaan na i-destabilize ang rice industry, sa kabila ng panawagan ng ilang stakeholders na magkaroon ng kagyat at mas mababang presyo.
Sinabi ni Tiu Laurel na noong ideklara nila ang MSRP na P58, marami ang bumatikos sa kanya at sinabing nakatira siya sa ibang planeta.
Umaasa si Tiu Laurel na sa pamamagitan ng pag-aanunsiyo nila ng maaga sa planong MSRP, may sapat na panahon ang industry players – traders, retailers, wholesalers, at importers na maibenta ang kanilang stocks na mas mataas ang presyo at magkaroon ng panibagong negosasyon sa suppliers.
Nagpatupad ang DA ng MSRP noong January 20 para tugunan ang tumaas na retail prices ng bigas sa kabila na binawasan ng pamahalaan ang taripa at bumababa ang global prices.
Hindi kasama sa MSRP ang Japanese black rice, red rice, basmati, imported malagkit, at bigas mula sa mga magsasaka sa bansa.
Bukod sa pagpapatupad ng MSRP, plano din ng DA na magdeklara ng food security emergency sa bigas upang matugunan ang problema sa mataas na presyo.
Ayon kay Tiu Laurel, hinihintay pa ng DA ang official copy ng resolusyon ng National Price Coordinating Council (NPCC) para sa kanilang rekomendasyon sa emergency declaration.