
Nakarekober pa ang Quezon City Police District (QCPD) ng karagdagang ebidensya matapos magsagawa ng search operation sa tahanan ng mga suspek sa Barangay San Agustin, Novaliches, Quezon City.
Ito ay kaugnay sa pagpatay kay Police Senior Master Sergeant Diane Marie Mollenido at kanyang anak.
Isinagawa ang operasyon nitong Pebrero 12 sa pangunguna ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), kasama ang mga tauhan ng Novaliches Police Station 4 at Quezon City District Forensic Unit (QCDFU).
Kabilang sa mga narekober ang 14 biological fluid samples na may hinihinalang dugo, walong piraso ng tela na may mantsa ng dugo, tissue paper, siyam na hibla ng buhok, at isang upos ng sigarilyo.
Nakuha rin ang limang piraso ng styrofoam cooler na umano’y ginamit sa pagtatago ng baril na ginamit sa krimen.
Kasalukuyan ng isinailalim sa forensic examination ang mga nakuhang ebidensya, habang dalawang CCTV unit ang kinuha para sa karagdagang pagsusuri.





