Nakatanggap ng dagdag na P20 milyon mula sa Office of the President si Pinoy 2-gold Olympic medalist at gymnast Carlos Yulo.
Isinagawa ang nasabing paggawad ng cash incentives sa Palasyo ng Malacañang ilang oras pagdating sa bansa ng mga atletang Pinoy na sumabak sa Paris Olympics.
Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr na tinapatan lamang nito ang incentives na nakasaad sa Republic Act 10699 or the National Athletes, Coaches, and Trainers Benefits and Incentives Act.
Nakasaad sa batas na ang sinumang atleta na makakakuha ng gintong medalya sa Olympics ay makakatanggap ng P10 milyon.
Dahil dalawang gintong medalya ang nakuha ni Yulo mula sa floor exercise at vault ay mayroon na itong P20-M na natanggap base sa batas.
Ginawaran din ni Pangulong Marcos si Yulo ng Medal of Merit na ibinibigay sa mga indibidwal na nakakagawa ng mga pagkilala sa mga international events sa larangan ng literature, sciences, arts, entertainment at sports na maituturing na national pride.
Mabibigyan din ng dagdag na P2-milyon ang mga bronze medalist na Pinay boxers na sina Nesthy Petecio at Aira Villegas kung saan tinapatan din ng Pangulo ang nakasaad sa batas na P2-M.
Maging ang mga hindi nakakuha ng medalya ay binigyan din ng Pangulo ng incentives na nagkakahalaga ng P1-M habang tig-P500,000 ang mga coaches.
Nabigyan din ng pagkilala ang lahat ng mga atleta kung saan kinilala ng pangulo ang hirap at sakripisyo ng mga atleta na makasali sa mga international sporting events.
Magugunitang nitong Martes ng gabi ng dumating na sa bansa ang atletang sumabak sa Paris Olympics kung saan sa araw naman ng Miyerkules ay isasagawa ang Hero’s parade.