Tuguegarao City- Isinusulong ngayon ng Regional Federation of Senior Citizens Association ang dagdag pension para sa mga senior citizen sa region 2 halip na ito ay bawasan.
Sa panayam kay Rommie Allam, Regional Federation President, hindi makatarungan na bawasan pa ang natatanggap na pensyon ng mga senior citizen.
Aniya, sa panahong may pandemya ay kulang pa ito sa kanilang mga gastusin sa gamot at mga pangunahing pangangailangan gayong hindi sila makalabas para maghanap buhay.
Ayon sa kanya, hinihiling nila ngayon sa kongreso na mula sa P500 ay gawin sana itong P1,000 para may magamit ang mga wala ng kakayahang maghanap buhay.
Sinabi pa niya na kabilang din sa mga isinusulong nila ay ang pagdaradag ng coverage ng social pension dahil sa ngayon ay iilan lamang umano ang nakakatanggap nito.
Nakipagpulong na aniya ang kanilang tanggapan kay Sen. Bong Go para sa pagsusulong din ng geriatric ward sa mga pagamutan na siyang mangangalaga sa mga miyembro ng senior citizen.
Umaasa naman aniya sila na matutugunan ito ng pamahalaan dahil sa pangako ni Sen. Go na tutulungan sila sa mga nais nilang ipanukala at ipaabot sa pamahalaan.
Samantala, umaasa naman ito na maaamyendahan ang batas na magpapahintulot na ibaba sa mga edad na 80, 85, 90 95 ang makakatanggap ng tulong hindi lamang ang mga centenarian.
Sinabi niya nasa ilalim ng isinusulong na panukala ay makakatanggap ng P25k ang mga edad 80, 85 at 90, P50k para sa mga may edad 95 at P100k naman para sa mga may edad 100.
Ito aniya ay upang magamit pa ng mga nasa mga nasabing edad ang kanilang pera.
Iginiit pa ni Allam na sa panahon ngayon ay mahirap na ring abutin ang edad na 100.