
Inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nakatakdang pagtaas ng base pay ng military at uniformed personnel (MUP) na ipapatupad sa tatlong yugto mula 2026 hanggang 2028.
Ginawa ng Pangulo ang anunsyo sa isang video statement kung saan kanyang binigyang-diin ang patuloy na pagsisikap at sakripisyong ibinibigay ng MUP lalo na sa panahon ng sunod-sunod na kalamidad.
Sasaklawin ng umento ang mga kawani mula sa Department of National Defense, Department of the Interior and Local Government, Philippine Coast Guard, Bureau of Corrections, at National Mapping and Resource Information Authority.
Kasama rin sa mga benepisyo ang pagtaas ng subsistence allowance sa P350 kada araw simula Enero 1, 2026.
Inaasahang ilalabas sa mga susunod na araw ang executive order na magpapatibay sa implementasyon ng mga pagbabago.










