
Epektibo na simula kahapon, October 16 ang dagdag-sahod para sa mga manggagawa at mga kasambahay sa rehiyon dos.
Batay sa bagong wage order na inapruhan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board, para sa mga kasambahay ay may karagdagang P500 ang umento sa umiiral nilang sweldo na P5,000 kada buwan.
Kasama sa umento ang mga kasambahay, yaya, cook, hardinero, labandera at sinumang gumagawa ng gawaing bahay.
Para naman sa umento sa sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor, hahatiin sa dalawang bahagi ang karagdagang P30 na inaprubahang dagdag-sahod kung saan ang P15 ay idadagdag na simula kahapon habang ang kalahati nito ay ibibigay naman sa April 1 sa susunod na taon.
Sa mga manggagawa sa non-agriculture sector, mula sa P420 na umiiral na minimum wage ng mga ito ay magiging P435 na at tataas naman sa P450 kada araw sa April 2024.
Ang mga nasa agricultural-sector naman, mula P400 na umiiral na minimum wage ay magiging P415 na at magiging P430 kada araw naman sa Abril sa susunod na taon.