Napagkasunduan ng mga Board of Directors ng Cagayan Electric Cooperative (CAGELCO 1) na patawan ng dagdag-singil ang mga member-consumers na bigong magbayad sa takdang panahon.

Ayon kay Bryan Niguidula, finance manager ng CAGELCO 1, papatawan ng service fee na P112 ang mga konsyumer na mayroong overdue account, 5% surcharge fee ng kabuuang babayarang bill at non-pay reconnection fee na P112.

Paliwanag ni Niguidula, mataas ang porsyento ng mga konsyumer na hindi nagbabayad sa tamang oras kung kaya dito babawiin ang gastos ng kooperatiba sa pagpunta para bigyan ng disconnection notice o paalala sa kanilang overdue account.

Sa presentasyon ng CAGELCO 1, nangunguna sa 83% ang bayan ng Baggao sa mga hindi nagbabayad sa tamang oras, Peñablanca at Piat sa 82% na sinundan ng Sto Niño, Rizal, Alcala, Iguig, Amulung, Enrile, Solana, Tuao at Tuguegarao City.

Aniya, ang hindi pagbabayad ng bill sa kuryente ay magreresulta sa pangungutang ng kooperatiba sa pambayad ng power supply, pagkakaroon ng surcharge, pagkaantala sa mga programa at proyekto, maging ang service maintenance at ang pinakamalala ay ang pagkaputol ng linya.

-- ADVERTISEMENT --

Sa kasalukuyan, tanging reconnection fee ang ipinapataw sa mga konsyumer na hindi nakakabayad o napuputulan ng linya ng kuryente.

Gayonman, sinabi ni Niguidala na bibigyan ng insentibo o discount sa kanilang monthly bill sa kuryente ang mga consumers na nagbayad sa tamang panahon.

Kaugnay nito, hinimok ni Engr. Tito Lingan, general manager ng CAGELCO 1 ang mga consumers na magbayad sa takdang araw para maiwasan ang abala at dagdag na babayarin.

Sa buwan ng Nobyembre, ipiprisinta ng kooperatiba ang naturang plano sa mga isasagawang Annual General Membership Assembly (AGMA) na gaganapin sa Tuguegarao City, Tuao, Amulung at Baggao.

Ang binuong policy on imposition of add onn fees for overdue accounts of member-consummer-owners ay hindi agad ipatutupad dahil kailangan pang aprubahan ito ng Energy Regulatory Commision (ERC).