Tuloy ang pagsasampa ng kaso laban sa ama at tiyuhin ng menor de edad na biktima na umanoy ginawang sex slave o parausan ng dalawang taon sa bayan ng Sto. Niño, Cagayan.
Ito’y sa kabila ng pagtanggi ng ina ng 11-anyos na biktima na kasuhan ang mga hindi na pinangalanang suspek na kanyang mister at 14-anyos na kapatid ng kanyang asawa.
Sa panayam ng Bombo Radyo, dismayado si PCAPT Arnulfo Gabatin, hepe ng Sto. Niño PNP dahil sa pagpapabaya ng ina ng dalagita na tangkang itago ang krimen sa kabila ng pag-amin sa pulisya ng ama ng bata sa panggagahasa.
Lumalabas din na positibong hinalay ang biktima base sa medicolegal, habang kinasuhan na ng rape in relation to Republic Act 7610 ang mga suspek at hinihintay na lamang ang arrest warrant para maging legal ang pag-aresto.
Una rito, dumulog sa pulisya ang biktima na sinamahan ng kanyang lola na siyang nagsampa ng kaso, upang ireklamo ang sariling ama at tiyuhin ng panggagahasa.
Nasa 9-anyos pa lang umano ang bata nang simulan itong halayin ng noon ay 12-anyos na tiyuhin nito noong April, 2017.
Nagpatuloy naman ang panggagahasa sa biktima ng kanyang sariling ama noong March, 2018 habang nanonod ng TV sa kanilang bahay at nasundan nitong Agosto 31 ng taong kasalukuyan.
Hinala ng pulisya na posibleng naulit pa ng ilang beses ang panggagahasa sa biktima na hindi agad nakapagsumbong dahil sa takot at kahihiyan dahil sa tatay at tiyuhin pa niya mismo ang mga suspek.
Sinabi ni Gabatin na nasa ibang bansa ang nanay ng biktima nang nangyari ang paggagahasa at kakauwi lamang niya, kamakailan na unang pinagsabihan ng biktima sa ginawang panghahalay sa kanya.
Subalit napilitan ang biktima na lumapit sa kanyang lola dahil sa pagsasawalang bahala rito ng kanyang ina na nagpagawa pa ng kasunduan sa Barangay na hindi na ito magsasampa ng kaso.
Nilinaw ni Gabatin na hindi sakop ng kapangyarihan ng Barangay ang pamamagitan o pagkakasundo (mediation) sa mga kaso na maituturing na “heinous crime” o karumal-dumal na krimen tulad ng rape.
Aniya, ang maaari lamang gawin ng Barangay ay tulungan ang biktima na makapaghain ng reklamo sa PNP Women and Children’s Protection Desk o sa NBI.
Nabatid na naiparating na rin ng pulisya sa Municipal at Provincial Social Welfare and Development Office ang pangyayari at inirekomenda na ibigay ang biktima sa pangangalaga ng kanyang lola na nasa ibang bayan.
Dahil sa traumang sinapit, sinabi ni Gabatin na kapansin-pansin ang kakaibang ikinikilos ng biktima bukod pa sa pagiging tulala.