Patay ang dalawang katao habang apat ang sugatan sa nangyaring pamamaril sa bayan ng Maddela, Quirino noong madaling araw ng December 24.

Sinabi ni PLT Sonny Day Paragas ng PNP Quirino, lumabas sa imbestigasyon na nasa resto bar ang grupo ng mga biktima na sina Krisel Cayong, 27 anyos at AJ Rodriguez, 19 anyos, kapwa residente sa Maddela nang magkaroon sila ng hindi pagkakaunawaan sa isa pang grupo, na humantong sa rambulan.

Kasunod nito ay biglang may nagpaputok ng baril mula sa isang grupo kung saan tinamaan sa ulo si Rodriguez habang sa likod naman si Cayong na nagbunsod ng kanilang agarang pagkasawi.

Kabilang sa apat na nasugan ang kapatid ni Cayong.

Sinabi ni Paragas na ang tama ni Cayong sa likod ay matapos na yakapin niya ang kanyang kapatid nang makita na babarilin siya.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon pa kay Paragas sa follow-operation ay nahuli ang siyam na nasangkot sa nasabing gulo subalit nakatakas umano ang namaril.

Sinabi ni Paragas na kabilang sa nahuli sa nasabing grupo ay isang pulis na ang kanyang baril umano ang ginamit ng suspect sa pamamaril.

Ayon sa kanya, sinabi ng pulis na hindi rin niya alam kung paano napunta sa namaril ang kanyang issue na baril.

Sinabi ni Paragas na nakuha sa crime scene ang mga basyo ng 9mm pistol.

Nabatid pa mula sa kanya na pawang mga bisita sa Maddela ang nasabing grupo.