TUGUEGARAO CITY- Dalawa ang patay habang pito ang sugatan sa aksidente sa Ballacayu, San Pablo, Isabela kaninang umaga.
Kinilala ng PNP ang mga namatay na sina Rodrigo Pacion at Ambrocio Lagundi, kapwa barangay tanod.
Ang mga sugatan naman ay sina Anthony Soriano, 34, married, Brgy tanod, Francisco Allata, Redentor Telan, Aaron Soriano 17, student; Philip Macapagal, 25, SK Chairman, Jose Villaverde, 66, Manuel Dayag, 57, pawang mga residente ng Brgy. Ballacayu, San Pablo at ang suspect na si Marcial Que Jr. 29, doctor, residente ng Brgy. District 2 Tumauini, Isabela.
Batay sa imbestigasyon ng PNP San Pablo, nag-overtake si Que na sakay ng kanyang Montero sa sinusundang motorsiklo sa nasabing lugar.
Hindi umano napansin ni Que na may parating na ibang sasakyan.
Sinubukan umano niyang iwasan ang mga kasalubong na sasakyan subalit nawalan siya ng kontrol sa manebela na nagbunsod para mabangga niya ang mga nagsasagawa ng paglilinis sa gilid ng kalsada kasama ang kanilang mga motorsiklo na nakaparada din sa gilid ng daan.
Agad na dinala ang mga biktima sa pagamutan subalit idineklarang dead on arrival ang dalawa sa mga ito.
Sugatan din ang driver ng kotse na ngayon ay nasa Cagayan Valley Medical Hospital sa Tuguegarao City.