TUGUEGARAO CITY- Patay ang dalawa habang dinala sa ospital ang tatlo umanong hold-uppers matapos na makipagbarilan sa mga otoridad sa Tabuk City, Kalinga kaninang umaga.
Ayon kay PLTCOL Dinulong Tombali, hepe ng PNP Tabuk City bago ang labanan, nakipag-ugnayan sa kaninang 4:00 ng madaling araw ang Task Force Limbas at Regional Special Operations Group o RSOG na nakita sa lungsod ang robbery hold-up gang na kumikilos sa Region 2, 3 at 4 at sangkot din sa transportasyon ng marijuana.
Dahil dito, agad na nagsagawa ng surveillance ang intel operatives ng PNP Tabuk sa pakikipagtulungan ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA.
Kaninang 9:30 am, habang nagsasagawa ng checkpoint ang operating units sa Barangay Bulo, isang kotse na kulay gray at black ang pinaharurot ng driver at tinangkang sagasaan ang mga operatives at pinapatukan ang mga ito.
Hinabol ng mga pulis ang sasakyan at nang makarating sila sa Barangay Malalao ay nagkaroon na ng palitan ng putok ng baril.
Sinabi ni Tombali na kasalukuyan pa ang ginagawang imbestigasyon sa tunay na operasyon ng nasabing grupo at inaalam na rin nila ang kanilang pagkakakilanlan.