TUGUEGARAO CITY- Dalawa sa limang napaslang sa engkwentro at airstrike sa pagitan ng kasundaluhan at NPA sa Cagayan ang nakilala na ng kanilang pamilya.

Sa panayam ng Bombo Radyo, kinumpirma ni PCapt Ranolfo Gabatin hepe ng PNP-Sta Teresita na pagkatapos na mabigyan ng disenteng libing ay dumating sa kanila ang pamilya at kaanak ng napatay na Vice Commander ng front operations command ng East Front Cagayan at lider ng Squad Tres na si Alyas Titan o Ka Mio.

Batay sa pahayag ng kanyang ina, taong 2004 ay nag-aaral pa lamang noon ang 17-anyos na si Ka Mio nang bigla itong nawala habang nagpapastol ng kalabaw at kalaunan ay nalaman ng pamilya na umanib na ito sa kilusan.

May mga pagkakataon din aniya na tumatawag ang anak sa kanyang ina sa pamamagitan ng cellphone at huli itong nakausap nitong September 11 na humihingi ng kaunting pera at damit para sa kanyang apo.

-- ADVERTISEMENT --

Bukod kay Ka Mio ay dalawa pa sa kapatid nito ang nahikayat rin na umanib sa rebeldeng grupo subalit sumuko rin sa pamahalaan dahil sa hirap ng buhay sa kabundukan.

Dagdag pa ni Gabatin, hiwalay ang mga magulang si Ka Mio kung saan ang ama nito na mula sa bayan ng Sta Ana, Cagayan ay nakatira na sa bayan ng Gattaran habang ang kanyang ina ay sa Isabela.

Samantala, nakipag-ugnayan naman sa pulisya sa pamamagitan ng tawag mula Bulacan ang kaanak ng isa sa mga nasawing NPA na si Ka Marlon na isang political guide o propagandist ng grupo.

Sinabi ni Gabatin na sa pamamagitan ng Bombo Radyo ay positibong natukoy ng nagpakilalang kapatid na kaanak nila si Ka Marlon sa pamamagitan ng nakuhang ID na may pangalang Carlo na matagal nang nawawala.

Kwento pa nito sa pulisya, tanging paalam lamang noon ng kapatid na nag-aaral sa Polytechnic University of the Philippines (PUP) ay may dadaluhang workshops sa Cordillera region subalit hindi na bumalik pa.

Sa ngayon ay inaayos na ang mga dokumento para sa proseso sa paglipat sa kanilang mga pamilya ng mga bangkay na nabigyan ng disenteng libing ng pulisya sa public cemetery sa bayan ng Sta Teresita.

Bukod sa dalawa ay kasama rin sa mga nasawi ang party wife ni Ka Titan na si Alyas Jodel na isang medical officer habang hindi pa matukoy ang pagkakakilanlan ng dalawang iba pa.

Sa ngayon ay hindi pa maaaaring pumasok ang mga sibilyan sa lugar ng engkwentro sa Brgy Dungeg dahil sa nagpapatuloy na military operations.

Sinabi ni Gabatin na nagbigay na rin ang pulisya ng relief operations sa mga apektadong residente ng Brgy Dungeg dahil sa trauma.