Nahuli ang dalawa sa tatlong suspek na sangkot sa pamamaril sa isang kandidato sa Sangguniang Bayan at dalawa pang kasamahan sa Barangay Bungad, San Pablo, Isabela noong gabi ng Abril 25, 2025.
Ayon sa ulat ng Police Regional Office 2 (PRO2), bandang alas-9:40 ng gabi ng Biyernes nang pagbabarilin ng mga suspek sakay ng Toyota Hi-Lux pick-up ang sasakyan ng mga biktima na sina Mark Jhon Paul Tipon, 34 anyos, tumatakbong SB; Mark Francis Antonio, 25 anyos; at Jhon Lloyd Duran, 21 anyos.
Nagtamo ng mga tama ng bala ang tatlo na agad isinugod sa Milagros Albano District Hospital sa Cabagan, Isabela, bago inilipat sa isang ospital sa Tuguegarao City para sa mas masusing gamutan.
Matapos makatanggap ng ulat sa insidente, agad na naglunsad ang mga operatiba ng San Pablo Municipal Police Station, 1st Isabela Provincial Mobile Force Company, at 201st Maneuver Company ng Regional Mobile Force Battalion 2 ng malawakang hot pursuit operations.
Naglunsad rin sila ng mga high-risk checkpoints, nagpakalat ng mga intelligence operatives, at nagpadala ng flash alarm sa lahat ng yunit ng pulisya sa lalawigan.
Bandang alas-11:10 ng gabi, naaresto ang dalawa sa tatlong suspek sa Barangay Poblacion, San Pablo.
Narekober sa kanila ang isang kalibre 45 na baril na kargado ng pitong bala, isang magazine ng parehong kalibre na kargado rin ng pitong bala, isang black gun holster, apat na karagdagang bala ng kalibre 45, isang fan knife, at ang white Toyota Hi-Lux pick-up (Conquest) na ginamit sa krimen.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng San Pablo Municipal Police Station ang mga nahuling suspek habang patuloy ang isinasagawang imbestigasyon para matukoy ang tunay na motibo sa likod ng krimen at maaresto ang isa pang nakatakas na suspek.