Nahuli ng pulisya sa bayan ng Enrile, Cagayan ang dalawa sa tatlong suspek na nanloob sa isang bahay sa Brgy San Gabriel, Tuguegarao City sa pamamagitan ng Global Positioning System o GPS ng cellphone na kasama sa kanilang tinangay noong gabi ng Sabado, November 19, 2022.
Kinilala ang mga suspek na sina Harky Pepito, 33-anyos at Andres Gacuan, 41-anyos, kapwa construction worker at residente ng Brgy. 4 Enrile.
Ayon kay PLT Rosemarie Taguiam, tagapagsalita ng PNP-Tuguegarao, dakong alas 9:45 ng gabi noong Sabado ng pasukin ng tatlong kawatan na nakasuot ng facemask at armado ng short at long firearms ang bahay ng mag-asawang negosyante na sina Jessie at Mildred Dela Cruz.
Tinutukan at iginapos ng mga suspek ang apat na miyembro ng pamilya sa isang kwarto saka nilimas ang pera na nagkakahalaga ng P3-M, dollars na 10,000, P25-M na halaga ng alahas, apat na cellphone na nagkakahalaga ng P181-K, mga pabango na nagkakahalaga ng P25-K at ibat-ibang mga dokumento.
Ginamit na getaway vehicle ng mga suspek ang SUV na sasakyan ng mag-asawa na narekober ng pulisya matapos abandonahin sa bahagi ng Mallig-Delfin Albano road sa Brgy Manano, Mallig, Isabela nitong Linggo ng umaga.
Kasunod naman nito ang pagkakahuli ng dalawang suspek sa kanilang tahanan sa bayan ng Enrile sa pamamagitan ng ninakaw na cellphone na may GPS na siyang nagturo sa eksaktong kinaroroonan nito sa nasabing lugar na positibong kinilala ng mga biktima.
Sa ngayon ay patuloy na tinutugis ng mga otoridad ang isa pang suspek sa naturang robbery incident habang inihahanda na ang kasong isasampa laban sa kanila.