Napatunayang guilty ang dalawang 12 anyos na mga lalaki sa pagpatay sa isang lalaki gamit ang itak sa United Kingdom noong Nobyembre ng nakalipas na taon.
Pinatay ng dalawa ang 19 anyos na si Shawn Seesahai sa isang parke sa Wolverhampton, central England.
Ayon sa pulisya ng West Midlands, si Seesahai na ipinanganak sa Anguilla ay halos anim na buwan pa lamang sa UK.
Sinabi ng pulisya, nasa parke si Seesahai at kanyang mga kaibigan sa parke nang sila ay lapitan ng mga binatilyo.
Batay sa salaysay sa Nottingham Crown Court, hinawakan ng isa sa mga lalaki ang biktima, sinuntok at tinadyakan at tinaga gamit ang itak.
Sinabi ng isang testigo sa korte na tinaga ng isang defendant ang mga paa ni Seesahai habang pinagsusuntok at tinadyakan siya ng isa pa sa kanyang ulo.
Naaresto ang dalawa, dalawang araw matapos ang insidente.
Nakita ng mga pulis ang itak sa ilalim ng kama ng isa sa dalawang binatilyo habang natagpuan naman ang damit na may dugo sa laundry basket ng kanyang kasama.
Nakita rin sa forensic analysis sa mobile phone ng dalawang binatilyo ang maraming larawan ng malalaking patalim at iba pang armas.
Nakatakdang igagawad ang hatol sa dalawa sa buwan ng Hulyo.