TUGUEGARAO CITY-Iniimbestigahan na ng mga otoridad ang nangyaring magkahiwalay na panloloob ng mga kawatan sa dalawang apartment dito sa lungsod ng Tuguegarao.

Sinabi ni PCAPT Rosemarie Taguiam, information officer ng PNP Tuguegarao na ang unang insidente ay nangyari sa isang apartment sa Tanza noong May 14 ng madaling araw kung saan kinuha ng kawatan ang cellphone ng isang estudyante na si Nicolas Arnedo habang laptap at pitaka ang nawala naman kay Chariz Aggao.

Nagkakahalaga ang mga nanakaw ng nasa P60, 000.

Ayon kay Taguiam, sa nakitang CCTV footage ay pumasok ang magnanakaw sa pintuan ng apartment na hindi naka-lock.

Sinabi niya na inaalam pa nila ang pagkakakilanlan ng lalaki na pumasok sa nasabing apartment.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, sinabi ni Taguiam na nangyari naman ang isa pang panloloob sa isa ring apartment sa Centro 5 kahapon ng madaling araw.

Nakuha ng magnanakaw ang mga cellphone at laptap ng dalawang menor de edad na mga estudyante na nagkakahalaga ng nasa P70, 000.

Sinabi ni Taguiam na katulad din sa unang insidente ay hindi naka-lock ang pintuan ng apartment kaya mabilis na nakapasok ang magnanakaw.

Ayon kay Taguiam, inaalam na nila kung magkasama ang mga nagsagawa ng pagnanakaw sa mga nasabing apartment.