Patay ang dalawang security aides ng kilalang negosyante nang lumaban sila sa mga pulis na nagsilbi ng search warrant laban sa kanilang employer kaninang madaling araw sa bayan ng Makilala sa Cotabato.

Nasugatan din ang isang pulis sa nasabing insidente.

Nagtungo ang mga pulis kaninang 12:40 a.m. sa bahay ng negosyanteng si Don Ramon Floresta sa Purok Gamasak, Barangay Bulakanon sa Makilala para isilbi ang search warrant nang lumaban ang dalawa niyang tauhan, na nagresulta sa palitan ng putok ng baril, na ikinasawi ng dalawang aides ng negosyante.

Batay sa nakuhang mga dokumento at indentification na nakuha sa pinangyarihan ng insidente, ang security aides ng negosyante na sina Jovito Regidor Roa at Paul Lacorte Pedroso, ay mga miyembro ng Philippine Army.

Dead on the spot sina Roa at Pedroso.

-- ADVERTISEMENT --

Si Floresta ang subject ng search warrant dahil sa umano’y paglabag sa Republic Act 10591, o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Nasugatan sa insidente ang isang miyembro ng Cotabato police na kasama sa raiding team na agad na dinala sa pinakamalapit na pagamutan.

Nakuha sa bahay ni Floresta ang Glock 23 pistol, isang long firearm, isang Colt M16 caliber 5.56mm, magazines, boxes of caliber 40 bullets, at iba pa.

Nasa kustodiya na ng mga awtoridad si Floresta.

Mariing pinabulaanan ni Floresta na sa kanya ang mga nasabing armas na ipinakita ng mga pulis.

Ayon sa kanya, mayroon lamang siyang pistola na lisensiyado para umano sa kanyang proteksyon bilang isang negosyante.

Sinabi niya na nagulat siya sa mga ipakitang mga armas at mga bala ang mga pulis pagkatapos ng kanilang ginawang paghalughog sa kanyang bahay.