TUGUEGARAO CITY- Pagpapaliwanagin ni Atty. Elenita Capuyan , election supervisor ng Commission on Elections ang electoral board sa Lubuagan, Kalinga kaugnay sa insidente sa pagpunit sa dalawang balota.

Sinabi ni Capuyan na batay sa nakarating sa kanya na impormasyon, nangyari ang pagpunit ng isang balota sa Mabilong Elementary School habang ang isa pa ay sa Lubuagan Elementary School.

Ayon sa kanya, ang unang insidente ay pumasok umano ang isang botante sa presinto at nang makita na iba sa gusto niya ang ibinoto ng kanyang kamag-anak ay kinuha niya ito at pinunit.

Ang isa naman ay magkasama na bumoto at ng makita ng isa na iba ang ibinoto niyang mayor ay pinunit niya ang balota ng kanyang kasama.

Kapwa umano umalis sa polling center ang dalawa na sangkot sa insidente kaya hindi na sila nakuhanan ng anomang pahayag.

-- ADVERTISEMENT --

Bukod sa nasabing insidente, sinabi ni Capuyan na may nagreklamo na iba ang lumabas sa kanilang resibo sa kanilang ibinoto sa kanilang balota sa pagkapresidente.

Subalit sa imbestigasyon ng mga technicians ay nakita na nagkamali sa kanilang nilapatan ng shade ang dalawang nagreklamo.

Gayonman, sinabi niya na inatasan niya ang mga sangkot dito na magsumite ng kanilang protesta sa kanyang tanggapan para sa tamang disposisyon.

Sa kabuuan, sinabi ni Capuyan na naging payapa ang halalan sa lalawigan ng Kalinga.