Natagpuan na ang dalawang bangkay ng lalaki na napaulat na nalunod sa magkaibang barangay noong November 12, 2024.
Ayon kay Efren Battung head ng MDRRMO Amulung, unang natagpuan ang bangkay ni Romnick Gavino, 18 anyos at residente ng Brgy.Dugayung, Amulung na nagpalutang lutang sa Barangay Gen.Batalla, Camalaniugan, Cagayan.
Una rito ay nakatanggap ng tawag ang kanilang opisina mula sa MDRRMO ng Camalaniugan kaugnay sa nakitang palutang lutang na bangkay sa nasabing lugar pasado alas onse ng umaga.
Kaagad na nagsagawa ng operasyon ang mga awtoridad kasama ang mga lokal na rescuer upang tiyakin kung isa nga ito sa mga nawawalang indibidwal na nalunod nang tumaas ang tubig sa Ilog Cagayan.
Dito na kinumpirma ang pagkakakilanlan ng biktima matapos na makilala ito ng kanyang pamilya.
Unang napaulat na nawawala si Gavino noong Nobyembre 12, 2024 matapos manguha ng kahoy sa Ilog Cagayan na noon ay mataas ang lebel ng tubig dahil sa sunod-sunod na bagyo.
Nabitawan umano ng biktima ang hinahawakan na kahoy habang nasa ilog hanggang sa ito ay naanod.
Samantala, pangalawang natagpuan naman ang bangkay ni Francing Mariano, 42 anyos at residente rin sa bayan ng Amulung, sa ilog sa Brgy. Afusing, Alcala, Cagayan.
Nabatid na ipapastol sana nito ang kanyang kalabaw sa kaparehong araw ngunit dahil sa biglaang paglaki ng tubig at mabilis na agos ay nalunod ito.
Agad namang nagsagawa ng search and rescue operation ang mag rescuer kasama ang Task Force Lingkod Cagayan-Quick Response Team (TFLC-QRT) nguni’t bigong makita ang mga biktima hanggang sa matagpuan kahapon November 19, 2021.
Sa ngayon ay patuloy paring pinaghahanap ang isa pang bata na nalunod rin sa ilog sa Barangay Anquiray ng nasabing bayan.