Dalawang Chinese coast guard vessels ang nakita sa baybayin ng Pangasinan, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), habang ang “monster ship” ng China ay patuloy ang pananatili sa katubigan malapit sa Zambales.
Sinabi ni PCG spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela, agad silang nagpadala ng aircraft at dalawang 44-meter ships, ang BRP Cabra (MRRV-R4409) at ang BRP Bagacay (MRRV-4410) sa Bolinao, Pangasinan, matapos na mamataan ang China Coast Guard (CCG) vessels na may bow numbers 3301 and 3104 sa 65 kilometers mula sa bayabayin sa pamamagitan ng satellite tracking system ng Canada.
Ayon kay Tarriela, ang pagpapadala ng PCG vessels ay may layunin na magkaroon ng reinforcement sa position ng bansa laban sa illegal patrols ng People’s Republic of China sa loob ng Philippine exclusive economic zone (EEZ).
Subalit, binalewala ng Chinese vessels ang radio challenges ng PCG.
Iginiit ng PCG na ang mga aksiyon ng CCG ay iligal at paglabag sa United Nations Convention on the Law of the Sea (Unclos), kung saan isa ang China sa lumagda.
Idinagdag pa ni Tarriela, ang layunin ng China ay upang gawing normal ang deployments ng kanilang mga barko sa ating katubigan at baguhin ang umiiral na status qou kung hindi hahamunin ang kanilang mga ginagawa.