Kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) ang iligal na paglalayag ng dalawang barko ng Chinese Coast Guard (CCG) sa karagatang sakop ng Pangasinan.

Ayon kay PCG Spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela, tinatayang 34 nautical miles ang layo ng CCG vessels mula sa baybayin ng Pangasinan na may bow numbers na 3301 at 3104.

Nagsagawa rin ng radio challenge ang mga tauhan ng PCG na sakay ng itinalagang Islander aircraft, pero dinedma ito ng dalawang barko.

Kasalukuyang nakatalaga sa Bolinao, Pangasinan ang BRP Cabra at BRP Bagacay ng PCG upang bantayan ang iligal na pagpapatrolya ng mga Chinese Coast Guard at pagtibayin ang posisyon ng pamahalaan laban sa panghihimasok ng China sa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.