TUGUEGARAO CITY- Namatay habang nilalapatan ng lunas sa pagamutan ang dalawang bata na pinagsasaksak ng isang lalaki sa bayan ng Sta. Teresita, Cagayan kamakalawa ng gabi habang nasa ospital pa ang kanilang lola.

Kaugnay nito, sinabi ni PMAJ Geoffrey Retreta, hepe ng PNP Sta. Teresita na galit ang nakikita nilang dahilan ng salarin sa ginawa nitong pananaksak sa 6 anyos na lalaki at 5 anyos na babae at sa kanilang lola na si Ginang Evelyn Perez, 64 anyos dahil sa kinasangkutang pangyayari ng magkakabilang panig bago ang krimen.

Ayon kay Retreta, ang suspek ay dating caretaker ng farm ng mga Perez sa Barangay Villa subalit tinanggal siya dalawang buwan na ang nakalilipas dahil sa pinaghinalaan na pinagnanakawan sila dahil sa ilang gamit na nawawala.

Dahil dito, ilang ulit umano na bumabalik sa bahay ng mga Perez ang suspect para singilin ang hindi pa nababayaran niyang sahod subalit binabalewala ito ng pamilya Perez.

Sinabi ni Retreta na sa kanilang paunang imbestigasyon sa pananaksak, hindi namalayan ni Ginang Perez ang pagpasok ng suspect sa kanilang bahay.

-- ADVERTISEMENT --

Una rito, lumabas ang lola mula sa kanilang silid sa oras na 10:45 kagabi para isara ang kanilang pintuan at mga bintana habang nakahiga na ang kanyang mga apo.

Nang bumalik na ang ginang sa silid ay nakita niya ang suspek kung saan bigla na lang siyang pinagsasaksak at itinali pa ang kanyang mga kamay ng charger ng cellphone.

Isinunod na pinagsasaksak ng suspek ang dalawang bata bago hinalughog ang bahay kung saan ay tinangay umano nito ang mga alahas ni Gng. Perez.

Sinabi ni Retreta na nakilala ang suspect matapos na masabi ni Gng. Perez ang kanyang pangalan bago siya dalhin sa pagamutan.

Ayon kay Retreta, sa tulong ng ilang residente ay nahuli nila ang suspect sa kanyang tinutuluyan sa farm na kanyang nilipatan na malapit din sa lugar ng mga biktima.

Nakuha sa pag-iingat ng suspect ang slingbag na naglalaman ng mga alahas na kinumpirma ni Gng. Perez na sa kanya ang mga ito.