Inilagay na sa red alert status ang dalawang munisipalidad sa lalawigan ng Cagayan na nasa ilalim ng Signal No. 2.
Kaugnay nito, pinaghahanda ang bayan ng Sta. Ana at Calayan island sa posibleng epekto ng bagyong Julian.
Ayon kay Rueli Rapsing, head ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office na kasamang isinailalim sa red alert ang kanilang operation center at iba pang rescue units.
Naka-standby na rin ang mga rescue asset pati na ang Task Force Lingkod Cagayan na nakatutok sa posibleng maapektuhan ng bagyo.
Naka-preposition na rin aniya ang mga relief goods sa Cagayan sub-capitol sakaling magsagawa sila ng preemptive evacuation sa mga low-lying areas.
Sa ngayon ay patuloy na nararanasan ang mahina hanggang sa katamtamang lakas ng ulan sa Tuguegarao City.