Nakatanggap ng tig-P100,000 cash ang dalawang centenarian ng probinsya ng Cagayan.

Ayon sa Department of Social Welfare and Development Field Office 2, parehong nakatanggap ng centenarian gift sina Cristina Trinidad, edad 102, mula sa Piat at Laura Delgado Balao, edad 100, mula sa Tuguegarao City, bilang bahagi ng Centenarian Program ng ahensya.

Bukod dito, ang mga benepisyaryo ay nakatanggap rin ng liham ng papuri mula kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., na nagpapahayag ng kanyang pasasalamat sa malaking kontribusyon ng mga benepisyaryo sa bansa.

Ang mga benepisyaryo, kasama ang kanilang mga pamilya ay nagpahayag din ng kanilang pasasalamat dahil ang centenarian gift na ito ay maari nilang gamitin sa pagbili ng pagkain, mga gamot, at iba pang mga supply na kakailanganin ng mga benepisaryo.

-- ADVERTISEMENT --

Ang nasabing aktibidad ay dinaluhan ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan at mga kinatawan mula sa Office of the Senior Citizen Affairs kasama ang Centenarian Program Focal Person of DSWD FO2 na si Wilma B. Asistores at ilang pang mga kinatawan ng DSWD FO2.

Ang pamamahagi ng PHP100,000 sa mga centenarian ay batay sa Republic Act 10868 o mas kilala bilang Centenarians Act of 2016.