
Napigilan ng Pasay City Police ang isang umano’y kidnapping na may kaugnayan sa cryptocurrency matapos arestuhin ang dalawang Chinese national at mailigtas ang 25-anyos na biktima nito sa loob ng isang condominium sa Roxas Boulevard, Pasay City.
Ayon sa Southern Police District, nakahingi ng tulong ang biktimang si Jialin Ye, isang Mexican-Chinese at computer specialist, matapos siyang makapagpadala ng distress message sa isang kaibigan.
Humingi umano ang mga suspek ng ransom na USD 1.4 million kapalit ng kanyang kalayaan.
Sa mabilis na beripikasyon, CCTV review at koordinasyon, natunton ng mga pulis ang kinaroroonan ng mga suspek na sina alyas “Jiaxiang,” at “Zhiyong,”
Nasagip ang biktima at nakumpiska ang posas at kutsilyo na ginamit umanong panakot.
Nanawagan ang SPD sa publiko na agad i-report ang anumang insidente ng kidnapping at pangingikil upang maiwasan ang krimen at mailigtas ang buhay.









