TUGUEGARAO CITY- Naging abo ang dalawang classroom at library sa Aparri East Elementary School sa Barangay Maura matapos ang sunog kaninang alas 4: 03 ng madaling araw.

Sinabi ni Fire Inspector Artemio Salvatiera, fire marshall ng BFP Aparri na isang residente na malapit sa eskwelahan ang nagtungo sa kanilang tanggapan at ipinalaam sa kanila ang tungkol sa sunog.

Agad na rumesponde ang mga bombero kung saan nakarating umano sila sa eskwelahan ng alas 4:07 am subalit malakas at kumalat na ang apoy na mula sa isang silid-aralan at nadamay ang katabing library at isa pang classroom.

Dahil dito, sinabi ni Salvatiera na ang kanilang inagapan na hindi na madamay pa ng sunog ay ang mga katabing gusali kabilang na ang clinic.

Sinabi ni Salvatiera na batay sa kanilang paunang imbestigasyon, galing sa electric fan na direktang ikinabit sa wire at hindi sa outlet na nakalimutang pinatay na posibleng uminit at nag-spark ang pinagmulan ng sunog.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa kanya, ginamit kahapon ang nasabing classroom at ang electric fan at nakalimutan na patayin.

Idinagdag pa ni Salvatiera na batay sa pahayag ng principal ng eskwelahan na si Arthur Calata na dati na silang napapansin na may dagitab o spark sa electrical wiring sa pinagmulan ng apoy.

Bukod dito, tumutulo umano ang bubong ng nasabing silid-aralan at plano na nila itong ayusin.

Sinabi pa ni Salvatiera na umabot sa second alarm ang sunog kaya nagpatulong sila sa BFP ng bayan ng Camalaniugan.

Idineklarang fire out ang sunog ng alas- 5:00.