TUGUEGARAO CITY- Mismong si Board Member Jean Alphonse o AJ Ponce ang nagsumbong sa mga otoridad sa ginagawang pot session ng kanyang mga driver sa kanilang silid sa loob mismo ng kanyang bahay sa Centro 1, Tuguegarao City kaninang madaling araw.
Sinabi ni Louella Tomas ng PDEA, agad silang nagsagawa ng operasyon sa sumbong ni Ponce laban kina Alvin Pascual at Resty Misador.
Nakuha sa kanila ang walong sachet ng shabu na may market value na P70, 000.
Samantala, sinabi ni Ponce na ang driver ng kanyang kapatid sa Manila ang nagsabi sa kanya na gumagamit ng shabu ang kanyang mga driver matapos na may makita na drug paraphernalia sa CR sa kanilang bahay sa Manila.
Dahil dito, agad na niyang sinabi ito sa mga otoridad dito sa Tuguegarao City.
Pagdating sa lungsod ng dalawa kaninang madaling araw mula sa Manila ay agad siyang tumawag sa mga otoridad nang sabihin sa kanya ng iba pang kasama nila sa bahay na nagpa-pot session ang dalawa.
Sinabi pa ni Ponce na pinagalitan niya ang dalawa dahil sa wala siyang kaalam-alam sa paggamit at pagbebenta ng mga ito ng shabu.
Ayon sa kanya, sinabi sa kanya ni Misador na Pascual umano ang kumukuha ng kanilang supply ng shabu sa Manila.