Isasailalim sa autopsy ang bangkay ng isa sa dalawang nalunod na estudyante sa Pinukpuk, Kalinga noong araw ng Sabado.

Sinabi ni PLT Rolando Bongalon, deputy chief of Police ng PNP Kalinga, hiniling ng pamilya ng isang biktima na si Renz Mangulad, 20 anyos, estudyante sa University of Cagayan Valley, residente ng Atulayan Sur, Tuguegarao City na isailalim sa otopsiya ang bangkay ng kanilang anak.

Nakilala naman ang isa pang biktima na si Mark Denver Bunagan, 18 anyos, residente ng Lanna, Enrile, Cagayan at estudyante rin sa nabanggit na unibersidad.

Ayon kay Bongalon, lumabas sa imbestigasyon ng PNP Pinukpuk na pumunta sa ilog sa Barangay Aciga sa may malalaking bato para mag-picinic at mag-swimming ang dalawang biktima at iba pa nilang kasamahan mula sa Tuguegarao City.

Lumangoy ang dalawang biktima papunta sa kabilang pampang ng ilog, subalit nang pabalik na sila ay tinangay sila ng malakas na agos ng tubig.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Bongalon na naiahon na ang mga biktima nang dumating ang mga pulis at mga kawani ng Bureau of Fire Protection ng Pinukpuk.

Ayon kay Bongalon, sinabi ng mga kasama ng mga biktima na nangyari ang pagkalunod ng 3:30 p.m., subalit itinawag lamang ito sa pulisya ng 5:00 p.m.

Idinagdag pa ni Bongalon na hindi umano alam ng mga magulang ng mga biktima na pumunta sila sa nasabing lugar.